
HOME BALITA LATHALAIN OPINYON ISPORTS
Hating-Pasko
Ni Atheena Balajadia | LATHALAIN | ASLAG

Ang araw ng Pasko ay lubos na pinakahihintay at pinaghahandaan ng mga tao, lalo na ng mga Pilipino. Buwan pa lamang ng Setyembre, sa pagsisimula ng tinatawag na “Ber Months,” ay naglalagay na ng mga makukulay na dekorasyon ang bawat pamilya sa kanilang kanya-kanyang bahay, hudyat ng pinakamahabang selebrasyon ng Kapaskuhan sa mundo. Higit pa rito, ang Pasko ay isang okasyon kung saan nagsasama-sama muli ang pamilyang nakatira sa malalayong lugar, nagbabalikan upang ipagdiwang ang kapanganakan ni Hesus at ang init ng pamilya.
Isa sa pinakatampok na bahagi ng selebrasyong ito ay ang Noche Buena, ang tradisyonal na salu-salo tuwing hatinggabi ng Bisperas ng Pasko. Para sa mga Pilipino, ang Noche Buena ay itinuturing na isang pyesta—masayang nagku-kwentuhan ang lahat habang sabay-sabay na kumakain ng masasarap at iba’t ibang putahe. Kaya naman, lubos na pinaghahandaan din ng bawat pamilya ang mga pagkaing inihahain nila. Sa pagnanais na maging kumpleto at sagana ang handaan, madalas umaabot ang kanilang gastos ng libo-libo. Halimbawa, sa Cebu, umaabot sa P1,673 ang halaga ng tradisyonal na Noche Buena, kahit na ang pinakamurang sangkap lamang ang binili.
Bunsod nito, nagkaroon ng kontrobersiya nang inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na sapat na ang P500 para sa Noche Buena ng isang pamilyang Pilipino. Umusbong ang matinding diskusyon sa social media, kung saan marami ang nagpahayag na hindi makatotohanan ang pahayag, lalo na sa harap ng tumataas na presyo ng mga bilihin.
Maraming netizens ang nagbatikos sa DTI, sinasabing tila diskonekta ang ilang opisyal sa simpleng pamumuhay ng karaniwang mamamayan. May nagsabi pa na “alam naman nating ang ilan sa kanila ay gumagastos ng malaki sa ibang bansa, kaya’t hindi nila dapat diktahan ang badyet ng P500 para sa Noche Buena.” Ang kontrobersiyang ito ay hindi lamang tungkol sa presyo ng handa; ipinapakita rin nito ang pangangailangan ng gobyerno na maging sensitive at realistiko sa karanasan ng mamamayan. Para sa maraming Pilipino, ang Pasko ay isang pagdiriwang na pinaghahandaan at hindi dapat tinitipid lamang.
Bilang Pamamaalam

Hindi natin kailanman matatakasan ang pagtatapos—ang bawat tibok ng puso ay may itinakdang huling indayog. Ngunit ang kuwento ng ating pagpanaw ay hindi laging tungkol sa katandaan.
Mula Enero hanggang Abril 2025, may tatlong sakit ang nanguna sa talaan ng mga sanhi ng kamatayan sa Pilipinas, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Una rito ang Ischemic Heart Disease, ang tahimik ngunit mapanganib na kalaban ng ating puso.
Isipin ang isang abalang kalsada—ang mga arterya—na biglang sinikip at binara ng dumi at taba. Nagmamakaawa ang kalamnan ng puso para sa dugo, ngunit hirap itong makarating. Sa loob ng apat na buwan, 40,532 buhay ang kinuha ng sakit na ito, o 20% ng lahat ng namatay. Ang sakit na ito ay paalala na ang pag-ibig na ibinibigay natin sa iba ay dapat ding ibigay sa ating sariling puso.
Pangalawa sa talaan ang Neoplasms, o ang mapaminsalang kanser. Ang kanser ay isang rebeldeng selula na tumutubo nang walang pahintulot, sumisira sa harmoniya ng katawan. Tila isang sunog na mabilis kumalat, 22,837 Pilipino ang nalanta sa init ng sakit na ito, o 11.3% ng kabuuang bilang. Bawat numero ay isang kuwento ng walang humpay na laban, pag-asa, at lungkot na biglang nagwakas.
Pangatlo ang Cerebrovascular Disease, o stroke, ang biglaang blackout sa gitna ng isang abalang isip. Kapag ang daloy ng dugo sa utak ay naputol o naantala, ang katawan ay unti-unting nag-uumpisang maglaho. Sa unang apat na buwan ng 2025, 20,484 buhay ang nawala dahil dito, o 10.1% ng kabuuang tala.
Kasunod pa rin nila ang Pneumonia at Diabetes Mellitus, na patuloy na nagdudulot ng pasakit sa maraming pamilya.
Ang mga bilang na ito ay hindi lamang istatistika. Ang 40,532, 22,837, at 20,484 ay mga tatay, nanay, kapatid, at anak na umalis nang maaga. Ang ulat na ito ay malakas na tawag sa atin—isang paalala na ang pinakamahalagang bagay sa buhay ay dapat nating pangalagaan: ang ating kalusugan at ang mga taong mahal natin. Nawa’y ang kuwento ng mga lumisan ay magsilbing inspirasyon para mabuhay nang mas matalino at mas mapagbantay.
December 09, 2025
OPINYON

Social media, tulong ba o distraksyon
| Ni Althea Gamboa
December 09, 2025
LATHALAIN

Hating-Pasko
| Ni Atheena Balajadia
December 09, 2025
ISPORTS

Pilipinas, Dinurog ang Malaysia sa Men’s Basketball ng SEA Games 2025
Ni Joyleen Capiral
December 09, 2025

Leave a comment