LATHALAIN


HOME| BALITA | LATHALAIN | OPINYON | ISPORTS

Kanlungan ng Likas na Yaman

Ang Pilipinas, isang mutya na nababalutan ng asul na karagatan, ay tunay na mayaman. Ngunit ang yaman na ito ay hindi ginto o hiyas, kundi ang hininga ng kalikasan at ang bawat Pilipino ay tagapagbantay ng kaban na ito.

Sa baybayin ng Sasmuan, Pampanga mayroong natatanging lugar na nagbibigay-buhay at kanlungan sa regalo ng kalikasan, ito ay ang Sasmuan Bangkung Malapad Critical Habitat and Ecotourism Area o SBMCHEA. Ito ay isang munting isla ng bakawan at mudflats na nabuo mula sa mga bulkanikong sediment ng pagputok ng Bulkang Pinatubo noong 1991. Ang lugar na ito ngayon ay binibigyan ng mataas na pagpapahalaga at proteksyon.

Noong 2021, sa bisa ng Department of Environment and Natural Resource Administrative Order (DAO) 2021-36, idineklara ang 405-ektaryang Sasmuan Bangkung Malapad Coastal Wetland bilang isang critical habitat at ecotourism area. Ang deklarasyon ay nagsisilbing legal na balangkas upang maprotektahan ang mga gubat ng bakawan at mudflats ng SBMCHEA. Ang kahalagahan ng lugar ay lalong pinagtibay nang kinilala ang mas malawak na Sasmuan Pampanga Coastal Wetland bilang isang Wetland of International Importance noong Pebrero 2021, ang ika-8 Ramsar Site sa bansa at una sa Central Luzon.

Ang isla ay itinuturing nang isa sa mga mahalagang sentro ng konserbasyon dahil ito ay nagiging permanenteng tirahan at layover spot ng higit sa 80 species ng migratory birds mula sa mga bansang nakararanas ng taglamig. Isa pa, ang pagdagsa ng mga turista at birdwatcher na naaakit sa kagandahan ng lugar ay nagbukas ng oportunidad sa ecotourism. Dahil dito, lalong naintindihan ng mga lokal na residente at local official ang malaking potensyal ng isla at ang kahalagahan na protektahan ito.

Ang SBMCHEA ay isang buhay na patunay kung paano ang isang lugar na nabuo mula sa trahedya ay maaaring maging simula ng isang natatanging tirahan at maging susi sa pangangalaga ng pandaigdigang biodiversity. Sa kasalukuyan, patuloy ang pangangasiwa ng DENR at LGU ng Sasmuan upang masiguro ang susutainable na pagpapanatili ng natatanging yaman na kalikasan sa Pampanga o ng buong Pilipinas.

HOME| BALITA | LATHALAIN | OPINYON | ISPORTS

Comments

Leave a comment