HOME | BALITA | OPINYON | LATHALAIN | ISPORTS

Tunay na Paskong Pilipino, mararanasan mo rito!

GIF mula sa Rappler | Ang Giant Lantern Festival

Ang mga kultura ng isang lugar ay tanda ng mga bagay-bagay na kanilang pinagmulan o kaya naman ay ang kanilang pagkakakilanlan. Ang mga ito ay ilan din sa mga dahilan kung bakit sumisikat o nakikilala ang isang probinsya kaya binabalik-balikan at pinapasyalan ang isang lugar, minsan kapag sa isang takdang panahon dahil sa kanilang mga kultura’t kaganapan sa oras na iyon. Halimbawa na lamang ng mga kaganapang ito ay ang Pasko. Alam naman natin na sa Pilipinas, umpisa palang ng ber-months ay inuumpisahan na rin natin ang pagdiriwang ng pasko. Ngunit, alam mo ba na ang Lalawigan ng Pampanga ay isang destinasyong pampasko dahil sa angking tradisyon nito? Ang ating lalawigan, ay isa sa mga nangungunang destinasyon sa ating bansa, partikular ang Lungsod ng San Fernando na kapital rin ng Pampanga.  

Isa sa mga dahilan ng ng pagkilala sa ating lalawigan ay ang Ligligan Parul o mas kilala rin na Giant Lantern Festival na nagsimula noong ika-19 na siglo na patuloy na lumago hanggang ika-20 na siglo. Ang pistang ito ay kilala sa buong mundo at nagsisimbolo sa ating mayamang tradisyon ng holiday ng rehiyon, ang ating pagiging makulay at malikhain, at ang kanilang angking galing sa paggawa ng mga naglalakihang parol. Ang Ligligan Parul ay isang taunang selebrasyon na kung saan ang mga mamamayan ng Lungsod ng San Fernando ay pwedeng makilahok sa isang kompetisyon ng sari-sariling gawa ng mga parol. Ang mga parol din na ito ay simbolo ng Bituing Bethlehem, ang bituing nagningning sa Bayan ng Bethlehem nang gabing isinilang si Hesus.  

Nakilala ang mga parol na ito dahil sa kanilang natatanging kaleydoskopikong pattern, mala-stained glass, at ang pagsunod-sunod at paggalaw ng mga ilaw nito na akma sa kantang pinapatugtog. Sa katunayan nga ay pinupuntahan pa ng mga turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang lalawigang ito para lamang makita ang nakamamanghang pista. Pagdating naman sa paggawa ay makikita mo rin ang pagkaka-isa ng mga mamamayan dahil sa kanilang pagtutulungan sa paggawa ng parol gamit ang mga kawayan, makukulay na papel at nagsasaring kulay ng kuryente. At ngayon, kabilang na rin ang makabagong teknolohiya sa paggawa ng masalimuot na disenyo na nagpapakita ng galing ng mga Kapampangan. 

Ang San Fernando, Pampanga ay kabilang din sa listahan ng CNN Travel ng mga pinakamagandang destinasyon na pwedeng bisitahin sa panahon ng Pasko, dahil sa nasabing pista at ang makulay at masiglang atmospera ng lungsod tuwing Pasko. Kilala rin ang lungsod na ito sa mainit na diwa ng Pasko kaya’t ito ay ang pangunahing destinasyon, hindi lamang sa Lalawigan ng Pampanga, kundi sa buong bansa ng Pilipinas. Ang paglitaw ng San Fernando, Pampanga sa CNN Travel, isang TV Program sa Bansang United States of America ay isa nang patunay na mayaman ang Pampaga sa kultura, lalo na sa panahon ng Pasko.Nakakamangha, hindi ba? 

Maliban sa Giant Lantern Festival ay may iba’t ibang kultura pa ang Pampanga. Isa na rito ang Noche Buena, ito ay kung saan nagsa-sama ang magpa-pamilya sa hapagkainan sa Bisperas ng Pasko at sabay-sabay na sinasalubong ito pagsapit ng madaling araw. Ilan pang kilalang tradisyon ay ang pagc-caroling, at Simbang Gabi o Misa de Gallo na kung saan ikaw ay magsisimba ng siyam na gabi/madaling araw bago ang araw ng pasko. Syempre hindi mawawala ang mga handa tulad ng bringhe at tibok-tibok na lalo pang nagpapayaman sa karanasang pampasko sa Lalawigan ng Pampanga. 

Ang Pasko ay isang pagdiriwang na hinihintay ng marami dahil sa mga kaganapan tuwing sasapit ang panahong ito dahil marami sa atin ang may sari-sariling kultura at kaganapan kapag darating ito. Kung ikaw naman ay naghahanap ng isang magandang pasyalan o lugar na kung saan talaga naman hindi ka madidismaya sa mga pangyayari at masisiyahan ka, tara na sa Pampanga! Natitiyak ko na mag-eenjoy ka talaga sa isang maganda at tunay na karanasang Paskong Pilipino, na sigurado ako, hindi mo malilimutan at basta-basta mararanasan kung saan-saan. 

Masasarap na putahe mula sa Pampanga, halina’t tikman!

GIF mula sa Foodtegrity | Ang putaheng Sisig.

Maraming sariling putahe ang Pilipinas at bawat probinsya ay mayroong sari-sariling luto kung saan sila kilala. At sa dina-rami ng mga probinsya sa Pilipinas, ang probinsya ng Pampanga ang may hawak sa titulo na Culinary Capital of the Philippines. Dahilan nito ay dahil ang mga Kapampangan ay masasarap magluto, lalo na ang mga kababaihan. Ito ay isa pa sa mga rason kung bakit kilala ang Pampanga sa ating bansa. Ang titulong ito ay isang sagisag ng mayamang pamana ng gastronomiya, makabago at natatanging paraan ng ating pagluluto at ang ating patuloy na pag-impluwensiya sa kulturang pagkain ng Pilipinas. 

Naitala bilang Culinary Capital of the Philippines noong Disyembre 9, 2024 na pinagtibay ng Senate Bill No. 2797. Isinulong ito ni Senador Lito lapid dahil sa kaniyang paniniwala, malaki ang naiambag ng Pampanga sa gastronomiya ng Pilipino. Maniwala ka man o hindi, ang kasaysayan at kasikatan ng Pampanga pagdating sa pagluluto ay dahil sa panahon ng kolonisasyon ng mga Kastila noon. Naging sentro kasi ng mga bihasang kusinero sa kusina ng mga Kastila ang ating lalawigan. Kasama ang impluwensiya ng Kastila, Malay, at katutubo ay nagbigay ang mga ito ng hugis sa natatanging lutuing Kapampangan.  

Isa sa mga putaheng kilala na mula sa Pampanga ay ang Sizzling Sisig. Ito ay hiniwa-hiwang karne ng baboy, partikular ang ulo, tenga at atay na may timpla ng kalamansi, sibuyas, sili, at kadalasan ay mayo. Sineserve ito nang nasa isang maiinit na kawali at nags-sizzle, mula mismo sa pangalan nito. Ang iba, ginagamit ito bilang pulutan ngunit minsan, maaari rin itong ulamin. Kung gusto mo, pwede kang magcrack ng itlog at ilagay sa gitna ng nags-sizzle na kawali. Sa katunayan nga ay mayroong Sisig Festival na taon-taong ipinagdiriwang sa Lungsod ng Angeles para sa kanilang paboritong putahe. 

Kung pamilyar ka sa putahe na Bringhe, alam mo bang isa rin itong lutong Kapampangan? Gawa ito sa malagkit na bigas, gata, iba’t ibang gulay at linga na hinahaluan ng curry powder, dahilan ng madilaw-dilaw nitong kulay. Sa madaling salita, ito ay Kapampangan version ng Paella. Isa pang sikat na luto mula sa Pampanga ay ang Pindang Damulag. Ito ay karne ng Kalabaw na inasinan at pinatuyo ng maramimg araw. Maaaring gamitin ang karne na ito sa pagluluto ng Adobo o Kare-kare. Pero, mas kilala rin ito bilang Kapampangan version ng kilalang ulam sa Pilipinas, ang Tocino. 

Alam mo rin ba na kahit ang Giant Lantern Festival ay tampok din sa mga pagkain sa food fair nito maliban sa mga parol? Kilalang-kilala rin ang mga Kapampangan chefs sa kanilang inobasyon at kahusayan, sa katotohanan, marami sa kanila ay nagiging tanyag sa pambansa at internasyonal na larangan ng pagluluto. Ang paaralang pang-lutuing Pampanga na Center for Asian Culinary Studies ay isa sa mga tumutulong sa pagsasanay sa mga world-class chefs, isa pang patunay sa kagalingan ng Pampanga sa pagdating ng pagluluto. Napakita rin sa Madrid Fusión Manila ang mga lutuing pampalasa ng Pampanga, isa pang kaganapan na nagpapakita ng global appeal nito. 

Iilan pa sa mga kilalang luto sa Pampanga ay Buro, at Kamaru. Kung hindi ka pamilyar sa mga putaheng ito at sa tingin mo ay ngayon mo palang sila narinig, ito ay dahil ang mga putaheng ito at ang Pampanga ay kilala sa mga “authenthic” na luto. Mayroon pa ngang isang restawran na itinatag noong 1946 para lamang sa mga tunay na Kapampangan delicacies at mga lutuin, ang Everybody’s Cafe. Magugulat ka man sa umpisa, ngunit kapag natikaman mo na, masasarapan ka talaga sa kanilang kakaibang lasa at gugustuhin mong balik-balikan pa sila.

ULAT ONLINE: Taga-ulat ng mga balitang sandigan ng katotohan

Comments

Leave a comment