HOME | BALITA | OPINYON | LATHALAIN ISPORTS

Maling balita, iwasang nating maniwala

Fake news sa social media.

Halos araw-araw ay nagi-scroll ako sa mga social media tulad ng Instagram at Facebook. Madalas nakakakita ako ng mga bali-balita tungkol sa artista, senado at minsan sa ating paligid. Dahil sa aking kuryusidad, binu-binuksan ko ang mga link na naka-attach sa mga post na ito at mapupunta ako sa isang website na hindi mapagkakatiwalaan. Madalas naman, sinesearch ko ang mga ito at napag-aalaman ko na fake news lang pala sila. Nagkalat na talaga ang mga fake news ngayon lalo na sa social media. Ngayon madali nalang ma-access ang social media, mas madali na ring gumawa ng mga kwento at marami sa mga tao ngayon ay mabilis nang maniwala. 

Kapag ang isang fake news ay napost at may isang naniwala at shinare niya, doon na nagsisimula ang pagkalat nito. Nagreresulta naman ito sa pagkasira ng imahe ng mga taong kasama o involved sa fake news na ito. Ang mga nagsisimula ng mga ganito, madalas ay mga vlogger. Lalo na kung sikat sila dahil ang kanilang mga fans, paniniwalaan ang lahat ng kanilang mga sinasabi dahil sa kanilang paghanga sa kanila. Sila naman ang sunod na magkakalat nito at lalaki nang lalaki hanggang sa may masira na tao na kabilang sa isyu na ito. Sa ibang pagkakataon, ang ganitong kalatan ng fake news ay umaabot sa kasuhan ng mga nagkalat at nagkakalat.  

Sagot naman ng Kamara sa problemang ito, kanila nang sisimulan ang pag-iimbestiga sa mga indibidwal na simula ng mga fake news na ito dahil isang matiniding panlilinlang sa publiko ang pagkakalat ng mga ganito. “Ang mga Pilipino ay may karapatan sa katotohanan. Dapat protektahan natin ang ating mga kababayan laban sa mga maling impormasyong nagdudulot ng takot, kalituhan at pagkakawatak-watak ng ating lipunan,” sabi ni Sta. Rosa Rep Dan Fernandez, ang mangunguna sa executive briefing joint panel na binubuo ng Committees on Public Order, on Public Information at Information and Communications Technology (ICT). 

Ating palaging tandaan na dapat nating iwasan ang pagkakalat ng maling balita dahil kapag napatunayan na tayo ay may kasalanan, matinding pananagutan ang ating haharapin at tayo rin ay makakasira ng kapwa. Huwag rin maniniwala agad-agad sa mga sabi-sabi at palaging maghanap muna ng mapagkakatiwalaan na source para matukoy kung ito ba ay totoo talaga upang hindi tayo mapahamak kung sakaling aksidente itong mashare at makalat sa iba pa.

Mga bagong isla,

natagpuan pa

Hundred Islands sa Pangasinan, Philippines.

Sa isang bansa, isa sa mga nag-aakit ng mga turista ay ang kanilang mga tanawin o kaya mga lugar na maaari mong puntahan upang makapagpahinga. Isa sa mga halimbawa nito ay ang mga isla. Ang mga isla ay parte ng ganda ng isang bansa. Mayroong mga bansa na walang isa, mayroong mga bansa naman na mayroong iilang isla lamang. Para naman sa iba, mayroon din na nabiyayaan ng mga mararaming isla. Isang halimbawa ng mga bansa na nabiyayaan ng mga isla ay ang ating bansang Pilipinas. 

Ang Pilipinas ay mayroong 7,641 na isla ayon sa pagsusuri ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA). Sa bilang na ito, nadagdagan pa nga dahil dati, 7,107 lamang ang mga bilang sa isla sa Pilipinas. Ibig sabihin, mahigit 500 ang mga islang nadagdag at nadiskubre. Sinong may alam? Baka nagtatago pa ang iba, baka marami pa sila at naghihintay lang na may makakita.  

Marami man ang mga bagong nadiskubre’t lumitaw, marami rin sa kanila ang maliliit lamang at walang naninirahan. Ang NAMRIA ay ang pangunahing ahensiya sa pagsasagawa ng mapping at pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga likas na bayan ng bansa kaya naman ating maaasahan ang mga impormasyong kanilang nilalabas at binabahagi sa atin. Ginamit ng nasabing ahensya ang isang high-resolution satellite imaging na Interferometric Synthetic Aperture Radar (IFSAR) kaya naman kanilang natuklasan ang idinagdag na 534 na isla. 

Hindi ba’t kay ganda’t kaakit-akit ang isang bansa kung alam mong marami itong tinatanging kayaman hindi lamang sa kanilang kultura kundi sa kanila na ring kapaligiran? Ngayong nadagdagan pa ang mga bilang na isla ng ating mahal na bayan, atin pa dapat itong paka-alagaan upang hindi masira at masayang ang biyayang ibinigay sa atin. Hindi man ganoon kalaki ang ating bansa, malaki naman ito pagdating sa ating likas na yaman. 

Tulong na handang ibigay

Ang building ng International Criminal Court.

Hindi madaling balikan ang madilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas, lalo na ang mga kontrobersyal na taon ng kampanya laban sa droga. Ngunit noong Enero 25, 2025, nagbigay ng bagong direksyon ang pamahalaan. Ayon sa kanila, bukas ang bansa na tumulong sa International Criminal Court (ICC) sa pamamagitan ng Interpol, sakaling maglabas ito ng arrest warrants.

Mula 2016 hanggang 2022, umabot sa mahigit 6,200 katao ang napatay sa mga anti-drug operations, ayon sa datos ng pulisya. Pero ayon sa mga human rights groups, mas marami pa ang tunay na bilang ng mga biktima, kabilang ang mga napaslang sa extra-judicial killings. Ito ang naging ugat ng imbestigasyon ng ICC, na patuloy na tumutok sa mga posibleng paglabag sa karapatang pantao.

Bagama’t umatras ang Pilipinas mula sa Rome Statute noong 2019, nananatili ang hurisdiksyon ng ICC sa mga krimeng naganap mula 2011 hanggang 2019. At ngayon, sa kabila ng masalimuot na relasyon ng bansa sa korte, nagpapakita ng bagong pananaw ang kasalukuyang administrasyon. Ang kahandaan ng Pilipinas na makipagtulungan ay hindi lamang usapin ng batas. Isa itong pagkilala na may mga isyung kailangang harapin nang may bukas na puso at isipan. Sa pahayag ng gobyerno, nabibigyan ng pag-asa ang mga biktima at kanilang pamilya na maaaring makamtan ang hustisya.

Ang Pilipinas ay tulad ng isang isla sa gitna ng dagat. Madalas hinahampas ng unos, pero nananatiling nakatayo. Ang bukas na pakikipagtulungan sa ICC at Interpol ay simbolo ng pagbangon. Ito ay kwento ng isang bansang natututo, humaharap sa katotohanan, at patuloy na nagsusumikap maging mas mabuti para sa kanyang mga mamamayan. Ang hakbang na ito ay hindi lamang para sa mga nasa kasalukuyan. Ito ay para sa susunod na henerasyon, upang maipakita na sa gitna ng lahat ng unos, may liwanag na naghihintay para sa ating bayan.


Hulagway ng katotohanan, larawan ng kasaysayan

Comments

Leave a comment