
HOME | BALITA | LATHALAIN | OPINYON | ISPORTS

Nakaraang kay gandang balik-balikan
Ni Anngeryn Timbol

Sa 333 taong pagkolonya ng bansang Spain sa Pilipinas, maliban sa pagkontrol sa atin, mayroon din silang nagawang mga bagay na ating pinapakinabangan sa panahon ngayon. Isa na rito ang pagtatag nila sa mga probinsya. Alam mo ba na ang probinsyang ating tinitirhan ay itinatag ng isang Español noong panahon ng kanilang pananakop?
Ang Pampanga ay nasa gitna ng pangatlong rehiyon ng Luzon o ang Gitnang Luzon at ito ay itinatag ni Martin de Goiti noong December 11, 1571. Ang pangalan na ‘Pampanga’ ay nagmula sa mga Kapampangang salita na “pangpang ilog” na ang ibig sabihin ay “tabing ilog” dahil ang lokasyon nito ay malapit sa Rio Grande de la Pampanga o mas kilala sa tawag na Pampanga River.
Kung ating napag-aralan, ang watawat ng Pilipinas ay may araw at ang walong sinag ng araw na ito ay nirerepresenta ang walong probinsya na nakipaglaban sa mga Español noong panahon ng pag-aalsa. Hindi ba’t nakakamangha? Ang Pampanga ay itinatag ng isang Español ngunit nanaig pa rin ang pagiging Pilipino ng mga Kapampangan kaya naman kanila pa ring ipinaglaban ang ating lalawigan.
Ang Pampanga ay nahahati sa labingsiyam na bayan na may kani-kanilang istorya, kultura at pagkakakilanlan. Sikat din ang Pampanga pagdating sa mga tradisyon, pasyalan at maging sa pagluluto kaya naman kung gusto mong makita, matikman, at maranasan ang mga ito ay ngayon palang, magsimula ka na. Bakit? Dahil sa dinamirami ng mga ito ay baka hindi mo maranasan lahat ngunit tiyak ako, mag-eenjoy ka.
Masasarap na putahe, halina’t tikman
Ni Anngeryn Timbol

Maraming sariling putahe ang Pilipinas at bawat probinsya ay mayroong sari-sariling luto kung saan sila kilala. At sa dina-rami ng mga probinsya sa Pilipinas, ang probinsya ng Pampanga ang may hawak sa titulo na Culinary Capital of the Philippines. Dahilan nito ay dahil ang mga Kapampangan ay masasarap magluto, lalo na ang mga kababaihan. Ito ay isa pa sa mga rason kung bakit kilala ang Pampanga sa ating bansa.
Isa sa mga putaheng kilala na mula sa Pampanga ay ang Sizzling Sisig. Ito ay hiniwa-hiwang karne ng baboy na may sibuyas, sili, at kadalasan ay mayo. Sineserve ito nang nasa isang maiinit na kawali at nags-sizzle, mula mismo sa pangalan nito. Ang iba, ginagamit ito bilang pulutan ngunit minsan, maaari rin itong ulamin.
Isa pang sikat na luto mula sa Pampanga ay ang Pindang Damulag. Ito ay karne ng Kalabaw na inasinan at pinatuyo ng maramimg araw. Maaaring gamitin ang karne na ito sa pagluluto ng Adobo o Kare-kare. Pero, mas kilala rin ito bilang Kapampangan version ng kilalang ulam sa Pilipinas, ang Tocino.
Iilan pa sa mga kilalang luto sa Pampanga ay Buro, Bringhe, at Kamaru. Kung hindi pamilyar, dahil ang mga putaheng ito at ang Pampanga ay kilala sa mga “authenthic” na luto. Magugulat ka man sa umpisa, ngunit kapag natikaman mo na, masasarapan ka talaga sa kanilang kakaibang lasa.
Iba’t ibang kultura’t tanawin, kay sarap pasyalan
Ni anngeryn timbol

Ang mga kultura ng isang lugar ay tanda ng mga bagay-bagay na kanilang pinagmulan o kaya naman ay ang kanilang pagkakakilanlan. Ang mga tanawin naman ay sumasagisag sa kagandahan at mga biyayang binigay sa isang lugar. Ang mga ito ay ilan sa mga dahilan kung bakit sumisikat o nakikilala ang isang probinsya kaya binabalik-balikan at pinapasyalan ang isang lugar. Maliban sa historya at mga putahe, marami ring kultura, pasyalan, at tanawwin ang iyong makikita sa lalawigan ng Pampanga, hinding-hindi magpapahuli ang ating probinsya.
Kung sisimulan sa kultura, ang Pampanga ay kilala sa iilang mga pagdiriwang. Pinaka-alam nating lahat ay ang Giant Lantern Festival o Ligligan Parul. Mula sa pangalan nito, ito ay isang pagdiriwang tuwing buwan ng Disyembre kapag papalapit na ang pasko. Sa pistang ito, ang mga mamamayan ng Siyudad ng San Fernando, Pampanga ay maaaring sumali sa kompetisyon ng paggawa ng isang malaking parol. Kaakibat ng laki nito ay ang paggalaw ng mga ilaw na dapat ay nakasunod sa tugtugan. Dahil pa nga sa kasikatan ng pistang ito, napangalanan pang ‘Christmas Capital of the Philippines’ ang siyudad ng San Fernando, Pampanga.
Isa pa sa mga alam na pagdiriwang sa Pampanga ay ang Philippine International Hot Air Balloon Fiesta. Sa pistang ito, hindi lamang lalawigan ng Pampanga o ang bansang Pilipinas ang kasama kundi ang buong mundo. Ginugunita ito ng apat na araw at tuwing ikalawang linggo ng Pebrero. Nag-iimbita ang Pilipinas ng mahigit isandaang piloto ng Hot Air Balloon mula sa iba’t ibang bansa at mahigit isandaang libong tao ang bumibisita para lamang makita ang pagdiriwang na ito. Bawat bansang sumasali ay mayroong pinapasang Hot Air Balloon na kanilang dinidisenyo depende sa kanilang tema.
Pagdating naman sa mga pasyalan, sikat ang Sky Ranch Pampanga ng SM City Pampanga dahil narito ang pinakamalaki at pinakamataas na ferris wheel sa buong Pilipinas, tinatawag na ‘Pampanga Eye’. Ang ferris wheel na ito ay may taas na 65 metro o 213 talampakan at kapag ikaw ay nasa tuktok na, iyong matatanaw ang isa pang tanawin ng Pampanga na Mt. Arayat at ang siyudad ng San Fernando na kay ganda. Oh, hindi ba kay ganda ng Pampanga? Halina’t mamasyal na!

Leave a comment